Binatilyong Fil-Canadian hinangaan ang katapangan
Si Rafal Quinto ay tipikal na binatilyong matigas ang ulo. Ngunit dahil sa isang insidente ng sunog sa kanilang kapitbahay, ang pasaway na 14-anyos na Fil-Canadian na ito ay nalagay sa isang pahayagan dahil sa kanyang kabayanihan. Sa isyu ng Mississauga News nitong Agosto 8, nakalagay ang larawan ni Rafal at kwento ng kanyang kabayanihan nang pangunahan n'ya ang pag-apula sa nasusunog na bakuran ng kanyang kapitbahay sa Ontario, Canada. Nagkakaisa ang kanilang mga kapitbahay sa Lowville Height, Tent Line W. at Derry Rd. W. na bayani sa Rafal dahil sa kanyang ginawang pangunguna sa pag-apula sa sunog. Kung hindi sa mabilis na aksyon ni Rafal ay posibleng higit na malaking pinsala ang idinulot ng apoy na nagmula sa tumagas na tangke ng gas sa lutuan ng barbeque sa bakuran ng bahay. Sa ulat na ginawa ni Louie Rosella para sa Mississauga News, lumitaw na ang hose sa hardin ang ginamit ni Rafal sa pag-apula sa apoy na ang taas ay aabot na sa dalawang palapag ng gusali. Pero bago naganap ang naturang insidente, kampanteng nanonood ng telebisyon si Rafal kasama ang kanyang kapatid nang makarinig sila ng malakas na pagsabog. Aminado si Rafal na madalas ay hindi siya nakikinig sa kanyang nanay na si Susan. Tulad ng karaniwang teenager, mahirap siyang utusan kahit man lang sa paglilinis ng kanyang kwarto. At maging sa pagkain ng gulay, kailangan pang daanin sa mahabang pakiusapan. Ngunit nang maganap ang insidente ng sunog, hindi nagdalawang isip si Rafal na sundin ang kanyang ina nang utusan siyang gamitin ang kanilang hose para patayin ang nagliliyab na bakod ng kapitbahay. Ang mga kapitbahay ni Rafal, inilarawan na malakas ang pagsabog at nagdulot ng pagyanig sa kanilang paligid. Bagamat takot, inutusan ni Susan si Rafal na kunin ang hose sa kanilang hardin at itutok sa apoy. Hindi alintana ang panganib, agad na tumugon ang binatilyo sa utos ng ina. Hindi nagtagal ay tumulong na rin ang iba pang kapitbahay sa pag-apula sa sunog at hindi na nila hinintay ang pagdating ng bumbero. Ang mga kapitbahay ni Rafal ay walang masabi kundi purihin ang katapangan ng binatilyong Fil-Canadian. Kung hindi nga naman sa mabilis na pagkilos ni Rafal ay posibleng mas malaki pa ang maging pinsala ng apoy. Hindi rin biro ang basta sumugod sa apoy dahil posibleng sumabog muli ang tangke na sa mga sandaling iyon ay hindi pa nila batid na pinagmulan ng pagsabog. "Without any hesitation, he put his life in danger, as who knew if the tank could explode again, but this is the type of person Rafal is," ayon kay Sarina Senra sa ulat. Nang dumating ang mga pamatay-sunog halos tapos na ang problema at ang pinagmulan na lang ng apoy ang kanilang siniyasat. Pinuri ni Deputy Chief John McDougall ang komunidad dahil sa kanilang pagtutulungan na maapula ang apoy. Dahil sa maagap na pagkilos ay naiwasan ang mas malaking pinsala at posibleng maglagay pa sa peligro sa buhay ng tao. Masuwerte rin na walang nasaktan nang maganap ang pagsabog mula sa tagas ng propane tank na dapat umanong magsilbing paalala sa mga tao roon. At si Rafal, nakita n'ya ang kabutihan ng pagsunod sa utos ng nakatatanda at gagawin daw muli n'ya ang mabilis na pagkilos kung hihingin ng pagkakataon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV