ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Itinapon na parang basura

Bangkay ng 16-anyos na lalaki na tadtad ng saksak, nakitang nakasilid sa sako


Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 16-anyos na lalaki na natagpuang tadtad ng saksak sa dibdib at isinilid sa sako saka itinapon na parang basura sa gilid ng kalsada sa Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, humihingi ng tulong ang pamilya ng biktimang si Michael Jayson Diaz Jr., para magkaroon ng hustisya ang kaniyang sinapit.

Sa imbestigasyon, sinabing nakita ng isang street sweeper ang bangkay ni Diaz na unang inakala na basura dahil nakasilid ito sa sako sa Manggahan St., Commonwealth Avenue noong Sabado ng madaling araw.

Dahil mabigat ang sako, binutas umano ito para malaman ang laman at laking gulat nila nang makita ang bangkay na may mga saksak sa katawan.

Isang tricycle umano ang nakitang dumaan at nagbaba ng sako sa madilim na bahagi ng lugar pero hindi ito naplakahan.

Ayon sa pamilya ng biktima, madalas daw lumalabas ang binatilyo kapag gabi para mangalakal ng basura.

May nabanggit na raw noon ang biktima na nakakaramdam ng pangamba sa buhay pero raw hindi nito nabanggit kung sino ang taong maaaring manakit sa kaniya.

Dahil na rin daw sa sinabi ng biktima, pinagsabihan daw ng ama ang anak na umuwi kaagad at magpagabi sa daan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para mahanap ang salarin. -- FRJ, GMA News

Tags: crime