Lalaking lasing, minura at hinamon ng barilan si Duterte
Habang nasa impluwensiya ng alak, walang takot na minura at hinamon ng barilan ng isang lalaki sa Quezon City si President-elect Rodrigo Duterte.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing inaresto ang kaugnay ng ipinatutupad na Oplan Disciplinary Hour ng barangay Gulod sa Novaliches, Quezon city.
"Duterte mag-draw tayo," saad ng lalaki na may kasamang pagmumura. "Mag-draw tayo, bigyan mo ako baril sige...bakit ako matatakot?"
Hindi rin ikinaila ng lalaki na walang lisensiya ang kaniyang baril na kaniya raw binili.
"Ako nahuli dahil lasing ako, dahil sa kasalanan ko nagpaputok ako ng baril," saad niya.
Hindi na nakita ng mga pulis ang baril pero may nakita silang mga basyo ng bala ng 9-mm na baril.
Samantala, isa pang lalaking lasing ang sapilitang dinala ng mga barangay tanod dahil sa paglabag sa ordinansa.
Kasama rin sa mga "nasagip" ang ilang menor de edad na nag-iinuman sa labas ng bahay, mga nakahubad at mga naglalaro sa video shop sa curfew hours.
Binigyan na raw ng barangay ng babala ang mga video shop para ihinto ang operasyon pagsapit ng hatinggabi.
Ipinatawag naman ang mga magulang ng mga menor de edad para isailalim sa counseling bago sila payagang makauwi. -- FRJ, GMA News