Hinihinalang magnanakaw na naka-brief lang kapag sumalakay, nahuli-cam
Sa gitna ng dilim, nakunan sa closed-circuit-television camera ang isang lalaki na brief lang ang suot habang palakad-lakad sa isang kalye sa Legaspi City, Albay.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, ipinakita ang bahagi ng CCTV footage na nakunan ang lalaki na maingat na naglalakad nang walang sapin sa paa at brief lang suot.
Kumalat na rin sa social media ang video ng naturang lalaki na hindi pa batid ang pakakakilanlan.
Hinala ng pulisya, sangkot ang lalaki sa mga nakawan sa lugar at maging sa kalapit na bayan ng Daraga.
Sisikapin naman ng pulisya na matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki sa pamamagitan ng mga tattoo nito sa katawan at balikat.
Tiniyak din ng pulisya na hindi sila titigil hangga't hindi nadadakip ang lalaki. -- FRJ, GMA News