Babaeng negosyante, ninakawan at pinatay daw ng nobyo ng kaniyang kasambahay
Namatay ang isang babaeng negosyante matapos siyang pagsasaksakin ng lalaking nanloob sa kaniyang bahay sa Quezon City. Ang salarin, natuklasang nobyo ng kasambahay ng biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng kuha sa security camera sa bahay ng biktimang si Minerva Baldeo sa isang exclusive subdivision sa Quezon City.
Sa CCTV footage, makikita ang pagpasok sa garahe ng isang lalaki na may dalang backpack dakong 1:00 a.m. noong May 22 sa bahay ng biktima.
Nakunan din ang lalaki hanggang sa loob ng bahay at ang pagmamadali nitong lumabas.
Nahagip din sa CCTV ang biktima na lumabas sa kuwarto na pinanggalingan ng suspek pero kaagad din itong bumagsak dahil sa tinamong mga saksak sa leeg at dibdib.
Nang suriin ng mga awtoridad ang CCTV, nakilala ng kasambahay ng biktima ang suspek na kaniyang nobyo na si Christian Coloma, isang karpintero.
Kaagad nagkasama ng operasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at nadakip si Coloma sa pinagtataguan nito sa Cabangan, Zambales.
Paniwala ng NBI, pagnanakaw ang pakay ni Coloma sa bahay pero nauwi sa pagpatay nang magising ang biktimang si Baldeo.
Mariin namang itinanggi ni Coloma ang alegasyon laban sa kaniya at iginiit na nasa probinsya siya nang mangyari ang krimen.
Pero sa pag-iimbestiga ng NBI, nakita sa iba pang CCTV footage ang pagnanakaw umano ni Coloma sa tatlo pang bahay sa naturang subdibisyon.
Bukod sa nobyang kasambahay, itinuro rin umano ng ilang kaanak ng suspek na si Coloma ang lalaki na nakuhanan sa mga CCTV.
Hinikayat naman ng NBI ang iba pang nabiktima umano ni Coloma na makipag-ugnayan sa kanila para maisampa ang karagdagang reklamo. -- FRJ, GMA News