ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duterte: Death penalty, 'di panakot sa kriminal kundi pambayad sa kanilang kasalanan


Nanindigan si President-elect Rodrigo Duterte sa kaniyang plano na ibalik ang parusang kamatayan sa kabila ng pagtutol ng Simbahang Katolika at mga human rights advocate sa katwiran na hindi nito mapipigil ang paglaganap ng krimen.

Sa pagdalo ni Duterte sa inaugurasyon sa pagkapanalo ni Senator-elect Manny Pacquiao at iba pang lokal na opisyal ng Sarangani nitong Miyerkules, sinabi ng susunod na pangulo na nais niyang ibalik ang bitay para pagbayaran ng kriminal ang nagawa nitong kasalanan at hindi para pigilan ang mga tao na gumawa ng krimen.

“The death penalty might be a deterrence to prevent or matakot siya to commit a crime but that is one school of thought. The other school of thought is, iyang death penalty hindi iyan pantakot," giit ni Duterte.

Patuloy niya, "Hindi iyan to deter. Whether you like to commit a crime or not, that’s not my business. You are equipped with your mental faculty. Iyong death penalty to me is the retribution. Magbayad ka sa ginawa mo sa buhay na ito. Kaya hindi kami magkaintidihan eh.”

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol sa parusang kamatayan ang Commission on Human Rights (CHR) at Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).

Bukod sa hindi umano ito ang solusyon sa paglaganap ng krimen, pinapangambahan na ang mga mahihirap ang labis na maaapektuhan na hindi kayang kumuha ng mahusay na abogado para idepensa ang kanilang kaso.

Paliwanag pa ng CHR, marami sa mga bansa ngayon ang nagbabasura na ng kanilang parusang kamatayan at sa halip ay pinaghuhusay ang sistema ng rehabilitasyon sa mga bilanggo.

"Sa pamamagitan ng criminal justice sytem sinasabi natin sa mga nagkasala at mga nagkamali na kailangan silang parusahan pero sa pamamagitan na matututo sila," ani Chito Gascon, pinuno ng CHR.

"Sa death penalty, wala nang pangalawang pagkakataon pa ang mga salarin at mga convicted na magbagong buhay dahil kikitilin na ang buhay nila," dagdag niya.

Tiniyak naman ni Archbishop-emeritus Oscar Cruz sa GMA News Balitanghali nitong Miyerkules na maninindigan ang CBCP kontra sa death penalty.

"Siyempre po naman tututulan po namin iyan, lalo na ng CBCP. Hindi maaaring maupo lamang ang Simbahan diyan. Tatayuan iyan," ani Cruz.

"Wala pong binigyan ng buhay ang estado na kahit sino kay ahindi po siya puwedeng kumuha ng buhay ng kahit sino. Iyan po ay malinaw," dagdag niya. —FRJ, GMA News

Tags: deathpenalty