2 lalaki na nahulihan ng shabu ng mga pulis sa Bulacan, inarbor daw ng ilang pulis-NCRPO
Ilang pulis na miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang inaresto noong Martes ng mga pulis-Bulacan matapos na arborin daw ang dalawang lalaki na naunang nadakip sa isang check-point at nahulihan umano ng 10 kilo ng shabu.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang video at larawan sa pagdakip ng Bulacan police at pagdala sa Bulacan-PNP Headquarters sa 12 miyembro ng anti-illegal drugs unit ng NCRPO.
Ayon kay C/Supt Aaron Aquino, Regional Director PRO-3, nagpakilala ang mga pulis-NCRPO na "asset" nila ang dalawang lalaking nadakip sa check-point.
Sinabi naman ni Sr. Supt Romeo Caramat, Provincial Director Bulacan-PNP, na nagkaroon ng stand-off sa simula nang dumating ang mga pulis-NCRPO dahil pumalag pa umano ang mga ito sa mga pulis-Bulacan kaya sila inalisan ng armas.
Pero nang magpakita umano ng mga dokumento na lehitimo ang operasyon, pinakawalan ng mga pulis-Bulacan ang mga nadakip na sibilyan at ang mga pulis-NCRPO.
Ngunit matapos ang isinagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente ng fact finding team, sinabi ni C/Supt Benjamin Hulipas, hepe ng Special Investigating Task Group, lumitaw na may sapat umanong ebidensiya para sampahan ng reklamo ang mga pulis-NCRPO at lima pang sibilyan, kasama ang dalawang nahulihan ng shabu.
Ayon sa ulat, sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng NCRPO tungkol sa insidente.
Umaasa naman ang Bulacan-PNP na ilalabas ng NCRPO ang mga sangkot nilang pulis, pati na dalawang sibilyan na nahulihan ng shabu. -- FRJ, GMA News