4 na trabahador, nadaganan ng mga salamin; 2, patay
Dalawang lalaking trabahor ang nasawi at dalawa pa nilang kasama ang nasugatan matapos silang madaganan ng kargamentong mga salamin sa loob ng isang container van sa Pagadian city.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing naging pahirapan sa mga rescuer na mailabas sina Julieto Abristante, Reynaldo Memis, Reynaldo Alagno at Romeo Millorin, na nadaganan ng mga nagkabasag-basag na salamin sa loob ng container van.
Nagtamo ng mga hiwa sa katawan ang mga biktima.
Kaagad na nasawi sina Abristante at Memis, habang nagtamo naman ng malubhang sa mga sugat Alagno at Millorin na dinala sa ospital.
Kuwento ng anak ni Memis na si Joven, kinontrata sila ng isang kumpanya para magdiskarga ng tone-toneladang salamin mula sa container van.
Nang binuhat na ng apat na biktima ang isang salamin, natumba at nabasag ang ibang salamin na dumagan sa mga biktima.
Nakaligtas daw si Joven dahil itinulak siya ng ama palabas mula sa van.
Mahigit 150 umano ang glass frames na nasa loob ng container.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, nangako daw ng pinansiyal na tulong sa mga biktima ang kumpanya na kumontrata sa kanila. -- FRJ, GMA News