ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Galamay daw ng napaslang na umano'y drug lord na si Alyas Jaguar, napatay din sa shootout


Napatay sa umano'y shootout sa Dumaguete City ang isa sa sinasabing mga galamay nang napaslang din na drug lord umano na si Jeffrey Diaz, o si alyas Jaguar.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing napaslang sa isang search operation sa barangay Calindagan sa Dumaguete si Lito Belandres.

Ayon sa pulisya, nanlaban daw si Belandres sa mga awtoridad kaya ito napatay.

Kilala raw si Belandres bilang number one drug pusher sa buong probinsiya ng Negros Oriental.

Nagtutulak din daw ng shabu si Belandres sa mga bayan ng Oslob at Santander sa Cebu.

Nakuha raw sa bahay ni Belandres ang 22 pakete ng hinihinalang shabu, at mga gadget na posibleng ginagamit daw ng suspek sa kanyang mga transaksyon.

Sakabila ng paliwanag ng pulisya, naghihinala ang mga kaanak ni Belandres na itinanim lang ng mga awtoridad ang sinasabing nakuhang shabu, bagay na itinanggi naman ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News