ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NCLEX Manila testing center bukas na


Pinangunahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Miyerkules ang pagbubukas sa kauna-unahang National Council Licensure Examination (NCLEX) Center sa Pilipinas, isang araw bago isagawa ang unang pagsusulit ng mga Pinoy nurse na nais magtrabaho sa US. Dahil sa pagbubukas ng bagong gusali ng Pearson Professional Center (PPC) sa Trident Tower sa Makati City, hindi na kailangan magtungo sa Hong Kong o South Korea ang mga Filipino nurses para kumuha ng NCLEX, pangunahing kailangan sa mga nais maging nurse sa US. Sa seremonya, pinasalamatan ni Arroyo ang National Council of State Boards of Nursing (NCSBN) sa tiwala at pagdadala ng NCLEX sa Pilipinas. “The move was a demonstration of the NCSBN's faith in the Filipino as well as the integrity of the local nurses' licensure examination," aniya. Kasama ni Arroyo sa pagpasinaya si Dante Ang, chairman ng commission on Filipino overseas at si Casey Marks ng NCSBN. Ayon kay Ang, puno na ang listahan ng mga kukuha ng pagsusulit hanggang Disyembre. “Marami na ang nakapila (para kumuha ng exam) umabot na sa 3,000. Puno na sila hanggang December," ani Ang. Mahigpit naman ang seguridad sa mga kukuha ng eksaminasyon sa Huwebes upang maiwasan ang kontrobersya. Ang mga gamit ng mga examinees ay kailangan iwanan sa mga locker. Aabot naman sa $400 o P18,400 ang kailangan bayaran para makakuha ng exam. Kabilang dito ang $250 bayad bilang registration fee at $150 sa Pearson Professional Center. Sa kabila nito, higit na mura pa rin ang gastusin na ito kaysa bumiyahe sa Hong Kong o Korea para kumuha ng exam. Bayad pa lang sa pamasehe sa eroplano ay tinatayang aabot na sa P10,000 hanggang P23,000, hindi pa kasama ang bayad sa tutuluyang hotel. Ang mga nurse na gustong kumuha ng eksaminasyon sa NCLEX ay maaaring mag-aplay sa www.pearsonvue.com/nclex. Sundan ang instruction at kapag naaprubahan ang aplikasyon itatakda ang araw ng pagsusulit. - Fidel Jimenez, GMANews.TV