ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DepEd: Mga guideline sa suspensyon ng klase sa panahon ng bagyo


Sa pagpasok ng mga buwan ng malalakas na ulan at mga bagyo, muling nagpaalala ang Department of Education sa mga guideline tungkol sa suspensyon ng klase sa mga paaralan.

Ayon sa DepEd, awtomatikong suspendido ang klase sa mga lugar kung saan itataas ng PAGASA ang ibat't ibang antas ng storm signals.

Dagdag pa ng DepEd, kung wala namang kahit anong storm signal, ang mga local government unit (LGUs) na ang magpapasya—at HINDI  ang DepEd—kung may suspensyon, lalo na kung malalakas ang ulan at nagbabaha.

Muli, ipinaalala ng DepEd ang mga guideline na ito upang matulungan ang mga magulang sa pagtantya kung papapasukin ang mga bata kung mayroon mang weather disturbances, gaya ng bagyo, baha, at ipa pang mga kalamidad.
 
Ayon sa DepEd, ang pagkansela ng klase ay karaniwang nakabatay sa "weather bulletins" ng PAGASA.
 
Batay sa mga storm signal ng PAGASA, ang mga sumusunod ay gabay sa awtomatikong suspensyon ng mga klase:


Signal No.1 - public and private pre-school and kindergarten classes;
Signal No. 2 - public and private pre-school, kindergarten, elementary and high school classes (including Senior High School); and
Signal No. 3 - classes in all levels.

Ang babala ng panahon na idedeklara ng PAGASA dakong 10 p.m., at 4:30 a.m. ng susunod na araw ay ang magiging batayan ng suspensyon ng klase sa buong araw, depende kung anong storm signal at anong level ng klase sa mga apektado lugar.

Samantala, ang storm signal warnings na idedeklara ng PAGASA dakong 11 a.m. ay ang batayan ng awtomatikong suspenyon ng panghapon ng klase sa araw ding iyon sa mga apektadong lugar.
 
Kung wala namang storm warning signal at masungit ang panahon, ang mga LGU na ang magdedeklara ng suspensyon. Inaasahan na susundin ng LGUs ang mga sumusunod na alituntunin sa suspensyon:

Kailangang mag-anunsyo ang mga LGU ng suspensyon or kanselasyon bago o dakong 4:30 a.m. para sa buong araw na suspensyon; at
Mag-aanusyon ng suspensyon bago o dakong 11 a.m. para sa kanselasyon ng klase sa buong hapon.

Pinaalalahanan din ng DepEd ang mga magulang na dapat rin silang magpasya kung papapasukin ang kanilang mga anak sa panahon ng bagyo, baha at iba pang mga kalamidad, kung wala pang mga anunsyo mula sa LGUs, PAGASA, at ilan pang mga ahensya ng pamahalaan.
 
Lahat ng mga alituntunin na ito mula sa DepEd ay batay sa Executive Order No. 66 [Prescribing Rules on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Government Offices Due to Typhoons, Flooding, Other Weather Disturbances, and Calamities]. Basahin ang buong EO sa pamamagitan ng link na ito:  http://www.deped.gov.ph/orders/do-43-s-2012. — LBG, GMA News