Paring natagpuang nakabigti sa banyo, pinatay at hindi nagpakamatay
Pinatay at hindi nagpakamatay.
Ito ang lumabas sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng isang pari sa Bohol na nakita sa banyo ng Loboc church noong nakaraang buwan na nakahandusay at may nakapulupot na kable sa leeg.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing ang National Bureau of Investigation (NBI) ang nagsagawa ng awtopsiya sa mga labi ni Father Marcelino Biliran.
Gabi noong June 27 nang makita ng isang church worker ang bangkay ni Fr. Biliran na nakahandusay at may extension wire sa leeg sa loob ng banyo.
Sa unang imbestigasyon, sinabi ng pulisya na posibleng nagpatiwakal ang pari matapos niyang malamang ay mayroon siyang colon cancer.
Pero sa resulta ng autopsy ng NBI, lumalabas na hindi nagpakamatay si Biliran kung hindi sadyang pinatay. Gayunman, hindi idinetalye ng mga awtoridad ang nasabing krimen.
Inanunsyo ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso ang resulta ng autopsy sa idinaos na misa at funeral rites para kay si Fr. Biliran.
Naniniwala ang mga kamag-anak ng biktima na hindi magagawa ni Fr. Biliran na magpatiwakal, na labag sa turo ng Simbahang Katolika.
Naging pari si Fr. Biliran noong 1992 at naging kura paroko sa ilang simbahan sa Bohol.
Nagsilbi siyang parish priest sa Saint Isidore The Farmer Parish sa Bilar. At nalipat sa Saint Peter the Apostle Parish sa Loboc noong nakaraang taon. -- FRJ, GMA News