ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sec. Villar: Mga pipitsugin at pabayang kontratista, aalisin sa DPWH


Kasabay ng pagsusuri sa mga flood control project kasunod ng malakas na buhos ng ulan nitong Biyernes, tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) na mananagot ang mga kontratistang mapapatunayang may pagkukulang sa kanilang trabaho sa nakuhang proyekto sa ahensiya.

Kabilang sa pinuntahan ni Villar nitong Biyernes ang Maysilo Circle sa Mandaluyong City na muling nalubog sa baha matapos ang magdamag na pag-ulan na dulot ng hanging Habagat, na pinalakas ng bagyong "Butchoy."

May dalawang taon nang inirereklamo ng mga residente sa Maysilo ang pagbaha sa kanilang lugar dahil sa hindi matapos-tapos na flood control project.

Ayon kay Villar, nangako ang kontratista ng proyekto sa Maysilo na magagawa nila ang naturang flood control project sa Mandaluyong City sa darating na katapusan ng Setyembre.

"Kausap namin 'yung contractor kanina ... Ang commitment niya is by September—September 30 at the latest—matatapos na 'to. 'Pag hindi siya matapos by September, ang commitment niya magsu-swimming siya dito," pahayag ni Villar sa panayam ng GMA News TV's "Balitanghali."

Dahil sa baha na lampas-tuhod, hindi makadaan sa lugar ang mga maliliit na sasakyan.

Sinabi ni Villar na maglalagay umano ng karagdagang mga "pump" o pambomba ang kontratista para matanggal ang tubig-baha at nang madaanan ng mga sasakyan ang kalsada.

"Ang nangyari po kasi, natapos 'yung drainage ng ibang kalye, napabilis ang agos ng tubig dito, then dito naipon... We can expect that at least, with the pumps, mami-minimize yung tubig and by September 30, tapos na po yung project," paliwanag ng kalihim.

Sinabi ni Villar na nais niyang mag-ikot habang umuulan para makita kung gumagana ang iba pang proyektong ginawa kontra sa pagbaha.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's "QRT," sinabi ni Villar na dapat magkaroon ng pananagutan ang mga kontratista na hindi nagawa nang maayos ang nakuha nilang proyekto sa ahensiya.

Pagdiin ng kalihim, nais niyang matanggal at hindi na makakakuha ng proyekto sa DPWH ang mga pipitsugin at pabayang kontratista para ang mga matitino na lamang ang matitira.

"Balak ko talagang tutukan ang mga contractor at aalamin ko rin kung sino ang mga contractor na hindi nagpi-perform. Ayaw ko rin na ang mga nagbi-bid mga pipitsuging na contractors. Kailangan lahat ng contractors ng DPWH puro matitino," aniya.

Idinagdag pa ni Villar na dapat sundin ng mga kontratista ang mga nakasaad sa kontrata na nakuha nila sa DPWH at nangako siyang na magiging aktibo ang ahensiya sa pagbabantay sa mga ginagawang proyekto. -- FRJ, GMA News