Lalaking kumain o lumunok ng 120 buto ng santol, naospital
Naospital ang isang 51-anyos na lalaki sa Alicia, Bohol matapos siyang kumain ng 30 santol at nilunok pati ang mga buto nito na aabot sa 120.
Madalas na ibinibilin ng mga matatanda sa mga bata na huwag kakainin ang buto ng santol at ginagawa nilang panakot na baka tumubo ito sa loob ng tiyan.
Pero hindi man tumubo sa loob ng tiyan ni Mang Bienvenido Fernandez ng barangay Putlongcam ang kinain niyang mga buto, kinailangan siyang dalhin sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City noong Martes ng gabi matapos ireklamo ang pananakit ng tiyan at nahirapang huminga.
Ayon kay Fernandez, masyado siyang nasarapan sa mga santol na kinain kaya pati ang mga buto nito ay nilunok nito.
Kung may apat na buto ang bawat santol, aabot sa 120 buto ang nalunok niya sa pagkain ng 30 santol.
Sa pagsusuri sa ospital, lumitaw na naipon ang mga buto sa bituka ni Fernandez.
Kung hindi mailalabas ni Fernandez ang mga buto sa normal na paraan ng pagdumi, kakailanganin siyang operahan para maalis ang mga ito.
Suwerte naman si Fernandez dahil naagapan ng gamot ang kaniyang kalagayan at unti-unti na niyang nailalabas ang mga buto sa paraan ng pagdumi nitong nagdaang araw.
Nagpayo naman ang mga duktor na huwag lulunukin ang buto ng santol, hindi dahil sa magiging puno ito sa loob ng tiyan, kung hindi dahil sa maaari itong bumara o makasugat ang matulis na dulong bahagi nito sa bituka na peligroso sa kalusugan. — FRJ, GMA News