Arroyo, ‘di na gaganti sa mga nasa likod ng kanyang detensyon
Hindi maghahabla si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo laban sa mga taong nasalikod ng kanyang pagkadetine sa loob ng halos apat na taon.
"Hindi. Hindi siya yung ganon," pahayag ni dating Justice Secretary Agnes Devanadera sa "Baltanghali."
Dagdag niya, pagkalabas ni Mrs. Arroyo sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City, diretso na siyang uuwi upang makasama ang kanyang pamilya.
Isa rin umano sa pagtutuunan agad ng pansin ng dating Pangulo ay ang pagdalaw sa Pampanga, ang kanyang home province kung saan kinatawan siya sa distrito ng lalawigan.
Nilisan ni Gng. Arroyo ang Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Huwebes matapos ang apat na taong pananatili sa illalim ng hospital arrest kaugnay ng reklamong plunder laban sa kanya.
Ibinasura ng Supreme Court ang reklamo dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
Pagkalabas ng VMMC, dumiretso si Arroyo sa St. Luke's Medical Center para sa isang executive checkup.
Nabanggit din ni Devanadera na kaya na umanong dumalo ang dating Pangulo sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
"In fact, nagpe-prepare na at katulad din naman natin siya na babae, ang unang iniisip, 'Anong isusuot ko?' So decided na siya," dagdag ni Devanedara. — LBG, GMA News