Hinaing ng criminology student, sadya raw pinatay ng mga pulis ang kaniyang ama
"Hindi nila talaga bubuhayin yung tatay ko." Ito ang hinaing ng isang criminology student matapos mapatay ng mga pulis ang kaniyang ama sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Navotas City nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nanlaban kaya napatay si Marcelo Garganta, na umano'y tulak ng droga.
Pero reklamo ng mga anak ni Garganta, gumamit ng labis na puwersa ang pulis at tinutukan din umano ng baril ang kanilang ina.
Ang anak ni Garganta na isang criminology student, sinabing sadyang pinatay ng mga pulis ang kaniyang ama.
"Sinipa po nila yung pinto. 'Pag sipa po nila hindi nila binigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag yung magulang ko," halos maiyak niyang lahad.
"Hindi lang isa 'yong [tama ng baril], lima pa. Hindi nila talaga bubuhayin yung tatay ko," patuloy niya.
Nagtamo umano ng mga tama ng bala sa ulo, dibdib at iba pang bahagi ng katawan si Garganta.
Kamakailan lang, isang 20-anyos na criminology student na si Jefferson Bunuan ang nasawi sa operasyon ng mga pulis sa Maynila.
Giit ng pamilya ni Bunuan, nadamay lang ito at ang kaniyang nasawi ring pinsan na si Mark Anthony matapos makitulog sa bahay ng umano'y drug pusher na target ng mga pulis at kasama nilang napatay.
READ: 20-anyos na estudyante, kabilang sa mga napatay sa kampanya vs illegal drugs
Samantala, napatay din ng mga pulis matapos daw manlaban ang dalawang rider ng motorsiklong hinarang nila sa Las Piñas City.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng Oplan Sita nang makita ang motorsiklo ng mga suspek na hindi tumigil sa checkpoint kaya hinabol.
Nang habulin nila at masukol ang dalawa, doon na umano nangyari ang shootout na dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Nakuha umano na sa mga nasawi ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at dalawang baril.
Nakilala ang isa sa mga suspek na si Joven Dabu, habang wala pang pagkakakilanlan ang isa pa.
Kaugnay nito, tatlong tulak naman umano ng droga ang napatay rin ng pulisya sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Bulacan.
Pare-parehong nanlaban daw sina Zaldy Carinio, alyas Dragon, isang alyas Ben at isang alyas Moris. -- FRJ, GMA News