ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
8 PANG DRUG SUSPECTS, NAPATAY

Pagbaril at pagpatay ng riding in tandem sa pipi, nahuli-cam


Hindi bababa sa siyam na drug suspects ang napatay ngayong Sabado. Kabilang dito ang isang pipi na binaril nang malapitan ng riding in tandem sa Pasay City habang nakikipagkwentuhan sa labas ng bahay.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, ipinakita ang CCTV footage ng barangay 22 kung saan makikitang nakikipagkwentuhan sa isang babae sa gilid ng kalsada ang nasawing si Ryan Esquivel, isang pipi.

Hindi nagtagal, dumating ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo at kaagad na binaril si Esquivel.

Bago tumakas, naghagis pa ng karatula ang mga salarin kay Esquivel na may nakasaad na pusher at holdaper umano ang biktima.

Nang makaalis na ang mga salarin ay sumaklolo ang mga residente para madala ang biktima sa ospital pero binawian din siya ng buhay.

Ayon sa ama ng biktima, nauutusan lang daw ang anak niya na bumili ng droga.

Inaalam pa kung sino ang pumatay kay Esquivel.

Sa Edsa-Pasay Rotonda, isang pedicab driver naman ang pinagbabaril ng mga hindi nakilalang salarin.

May nakita ring piraso ng karton sa tabi ng bangkay na nagsasabing tulak umano ng droga ang biktima.

Umiiyak na nagmakaawa ang kinakasama ng biktima na tulungan sila.

Iginiit niya na gumagamit lang at hindi tulak ng droga ang lalaki.

May nakita ring karton na may nakasulat na "adik at holdaper" sa tabi ng bangkay na natagpuan sa Diokno Avenue na may tama ng bala sa katawan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang mga insidente. -- FRJ, GMA News