Drayber na bumaril at pumatay sa nakaalitang siklista, hinahanap na
Matapos matukoy ang uri ng sasakyan at conduction number nito, hinahanap na ngayon ng mga awtoridad ang drayber na bumaril at pumatay sa nakaalitang siklista sa Maynila nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, ipinakita ang kuha ng closed-circuit-television camera ng barangay 385 zone 39 sa Quiapo, Maynila, na makikitang nagtatalo ang nakabisikletang biktima na si Mark Vincent Garalde at ang hindi pa nakikilalang driver ng pulang Hyundai Eon na may conduction plate MO 3746.
Hindi nagtagal, bumaba ang driver ng kotse at nagsuntukan sila ni Garalde sa loob ng isang minuto.
Nang papaalis na sa lugar si Garalde, muling bumaba sa kotse ang salarin at nilapitan ang biktima at saka pinagbabaril bago tumakas.
Ayon sa mga residente, bago pa ang sagutan at suntukan ng dalawa ay nasagi raw ng kotse ang bisikleta.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ang 18-taong-gulang na si Rosell Bondoc na nagtatapon lang noon ng basura.
Kaagad na isinugod sa ospital si Bondoc na nagtamo umano ng tama ng bala sa likod. Patuloy pa siyang inoobserbahan.
Apat na basyo umano ng bala mula sa kalibre 45 na baril ang nakuha sa lugar ng krimen.
Nakaalarma na umano ang sasakyan ng suspek at pinapahanap na sa Land Transportation Office ang may-ari nito.
Nanawagan naman sa pulisya sa drayber na sumuko na at harapin ang kaso dahil sa ginawang krimen. -- FRJ, GMA News