ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Higit £1-M o P60-M, 'naibayad' ng lalaki sa nakain niya sa isang restaurant sa UK


Nagulat ang may-ari ng isang restaurant sa Inverurie sa Scotland nang magbayad ang isa niyang kostumer sa pamamagitan ng credit card na umaabot sa £1 milyon (pounds) o katumbas ng higit P60 milyon para lang sa tatlong putahe na nakain.

Sa online news ng Evening Express, ikinuwento ni Abdul Wahid, may-ari ng Indian restaurant na Rajpoot sa Inverurie, kasama ng kostumer ang dalawa nitong kaibigan nang kumain sa kaniyang restaurant.

Nang magbabayad na, tinatayang nasa £100 o higit P6,000 ang nakain ng kostumer na binayaran nito sa pamamagitan ng credit card.

Hinayaan umano ni Wahid ang kostumer na maglagay o pumindot ng billing sa card machine. Pero pagkaraan ng ilang minuto, laking gulat niya nang makita ang pagkakamali ng kostumer dahil £1,006,082.04 o mahigit P60 milyon ang kaniyang naibayad.

Kaagad niyang ipinaalam sa kostumer ang nakitang pagkakamali at sinabing nagawa nitong magbayad sa maaaring pinakamahal na pagkain sa mundo.

Nagulat din ang kostumer sa kaniyang pagkakamali at kaagad na tinawagan ang bangko para ikansela ang nagawang transaksyon. -- FRJ, GMA News