Willie Revillame lusot sa Wowowee Ultra tragedy
Hindi na itinuloy ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kriminal laban sa television host na si Willie Revillame kaugnay ng naganap na stampede sa Ultra Stadium noong Pebrero 2006 kung saan 70 ang namatay at marami ang nasugatan. Iniulat ng dzBB radio ang utos ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa mga government prosecutor na tanggalin na ang pangalan ni Revillame mula sa listahan ng mga kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries dahil sa Ultra tragedy. Sa pitong-pahinang resolusyon, iginiit ni Gonzales na walang sapat na batayan upang kasuhan si Revillame. Subalit, tuloy pa rin ang kaso laban sa 14 pang akusado kabilang ang ilang opisyal ng ABS-CBN Network na pinangungunahan ni executive vice president Charo Santos Concio. Nauna nang nagpahayag ang five-man prosecution panel ng DOJ sa isang 80-pahinang resolusyon na ang organizer ng âWowowee" ay nabigong siguraduhin ang kaligtasan ng mga taong tumungo sa Philsports Arena sa pag-asang manalo sa malalaking papremyo sa raffle ng programa. Nadawit si Revillame matapos udyukan pa ang mga manunood na magtungo sa lugar bagamat siksikan na ang mga tao doon. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV