ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki sa Pangasinan, patay matapos tagain ng pamangkin


Nauwi sa malagim na krimen ang away ng magtiyuhin sa Malasiqui, Pangasinan. Lasing daw ang biktima at armado ng tubo nang sugurin ang kaniyang pamangkin dahil sa walis na hindi umano naisauli.

Sa ulat ni Michael Sison sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing mga taga sa katawan ang sanhi ng pagkamatay ang biktimang si Silverio Angel, 52, anyos, ng barangay Goliman sa Malasiqui, Pangasinan.

Nadakip naman at nakakulong ngayon ang itinuturong salarin na si Oliver Ramos, pamangkin ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakainom umano ng alak ang biktima na unang sumugod sa bahay ng suspek para komprontahin sa hindi isinauling walis.

Armado rin daw ng tubo ang biktima at pinalo nito ang pamangkin. Kumuha naman daw ng bolo ang suspek na ginamit niya sa pananaga sa biktima.

Giit ni Ramos, ipinagtanggol lang niya ang sarili. Madalas daw siyang pagdiskitahan ng kaniyang tiyuhin tuwing nalalasing.

"Kung minsan minumura kami pero okay lang ho sana yung mura-murahin niya kami huwag lang ho sana mananakit," ayon sa suspek.

Nakuha sa crime scene ang tubo na ginamit daw ng biktima, at ang bolo na ginamit naman daw ng suspek.

Nahaharap sa reklamong homicide ang suspek. -- FRJ, GMA News

Tags: crime