ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PERO IBA ANG KUWENTO NG SAKSI

Pulis, patay matapos na maagawan daw ng baril ng suspek na aarestuhin


Patay ang isang pulis matapos maagawan daw ng baril at barilin ng lalaki na kanilang  aarestuhin sa Makati City. Ang suspek, napatay din ng iba pang pulis.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni Sr. Insp. Ronald Saquilayan, hepe ng Investigation Section ng Makati Police, na nasawi si SPO4 Edmar Bumagat matapos agawan ng baril at barilin ng suspek na si Angelo Tampos nitong Miyerkules ng gabi.

Nagtungo umano ang mga operatiba ng Regional Police Intelligence Operatives unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa bahay ni Tampos para isilbi ang arrest warrant sa kasong pagpatay na inilabas ng korte noong Marso  2015.

Ayon kay Saguilayan, unang nagpunta sa lugar si Bumagat at naagawan umano ito ng baril ni Tampos na naging dahilan ng pagkamatay ng pulis.

Nabaril at napatay naman ng iba pang pulis ang suspek.

Pero iba ang kuwento ng isang saksi na nagsabing hindi nang-agaw ng baril at hindi si Tampos ang bumaril kay Bumagat.

Ayon sa saksi na itinago ang pagkakakilanlan, nasa loob pa raw ng bahay si Tampos nang may bumaril sa pulis sa garahe ng bahay.

Isinunod umanong barilin si Tampos kahit nagmamakaawa na ito sa mga pulis.

"Yung sinasabi po nila na si Angelo [Tampos] yung bumaril sa pulis po pero hindi po siya," giit ng saksi.

Idinagdag ng saksi na may naglagay ng baril sa tabi ng bangkay ni Tampos.

Natagpuan sa crime scene ang isang M-16 rifle at isang 9mm pistol pero hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung alin dito ang pinag-agawan umano nina Tamos at Bumagat.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pulisya ng Makati sa pahayag ng saksi dahil patuloy pa umano ang imbestigasyon. -- FRJ, GMA News

Tags: crime