Pananakit ng yaya sa alaga niyang 1-taong-gulang, nahuli-cam
Matinding hinagpis ang naramdaman ng isang ina sa Marikina City nang makumpirma niya mula sa ikinabit na surveillance camera sa bahay ang ginagawang pananakit ng kanilang yaya sa isang-taong-gulang niyang anak.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang mga kuha sa CCTV camera habang sinasaktan ng 27-anyos na yaya na si Karen Garcia ang kaniyang batang alaga habang pinapatulog sa kama.
Ayon sa ginang na si Rachel Enriquez, nagduda siya na may hindi magandang ginagawa ang yaya nang mapansin niyang nagbago ang pag-uugali ng kaniyang anak.
"Kapag may nakita siyang ibang tao, kaunting mapalakas lang boses mo natatakot na siya; 12 midnight hanggang 5 am iiyak," kuwento niya.
Nitong nagdaang July 26, nakumpirma ni Enriquez ang kaniyang pangamba nang suriin nila ang CCTV sa loob ng kanilang bahay sa barangay Concepcion Dos sa Marikina at nakita ang pananakit ni Garcia sa bata.
"Noon nakikita ko lang sa iba sa TV na may ganun, naawa nga po ako. Tapos ngayon sa sariling anak ko biglang gaganunin sa dibdib, masakit po, masakit," hinanakit ng ginang.
Patuloy niya, "Iniisip ko na tuwing itu-turnover ko pala sa kanya anak ko parang hell pala 'yon sa pakiramdam ng anak ko 'di lang makasabi."
Kaagad na tumawag sa barangay ang pamilya at ipinaaresto si Garcia, na hindi na raw nakatanggi sa nagawa.
Iginiit ni Enriquez na naging maganda ang pakikitungo nila sa yaya kaya hindi nila malaman kung bakit nito sinasaktan ang bata.
Tumanggi si Garcia na magbigay ngpahayag, at desidido naman ang pamilya Enriquez na managot ang yaya na nahaharap sa reklamong child abuse. -- FRJ, GMA News