Napatay na riding in tandem, nakuhanan ng larawan ng babae at mensahe kontra-droga
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki na nakamotorsiklo na napatay ng mga pulis sa Pasay City.
Bukod kasi sa karton na may nakasaad na kontra-droga, may nakuha rin sa kanila na larawan ng isang babae at sketch ng tirahan nito.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA news Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dakong 12:30 a.m. nang makaengkwentro ng mga pulis ang dalawang napaslang sa Don Bosco Village sa barangay 190 sa Pasay City.
Nagsasagawa umano ng Oplan Sita ang mga pulis nang mamataan nila at sitahin ang dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo pero nagpaputok daw ng baril ang lalaking nakaangkas.
Nakuha umano ng mga awtoridad mula sa dalawang lalaki ang dalawang kalibre .45 na baril, litrato ng isang babae na may kasamang sketch ng kalsada, at karton na may mga salitang "tulak ako 'wag tularan."
Hinihinala ng mga pulis na maaaring gun for hire ang mga lalaki at posibleng target nila ang babae sa larawan.
Hindi rin inaalis ng mga awtoridad na posibleng miyembro ng vigilante group ang mga napatay na sumasakay umano sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga at kriminalidad.
Patuloy na inaalam din ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babae sa lalarawan na may pangalang "Lyka."
Iniimbestigahan din kung carnap ang dalang motorsiklo ng mga napatay. -- FRJ, GMA News