ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 lalaki na sangkot daw sa droga, magkasunod na binaril at pinatay sa Dagupan City


Isang pumapasada ng tricyle at isang nag-aayos ng drainage ang magkasunod na binaril at pinatay ng mga nakatakas na salarin sa magkahiwalay na lugar sa Dagupan City, Pangasinan. Hinala ng mga awtoridad, iisang grupo ang pumatay sa mga biktima na kapwa nasangkot sa droga.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing pumarada lang sa gilid ng national highway sa barangay Bonuan Boquig sa Dagupan City, si Eduardo Alejos, 46-anyos, tricycle driver, nang barilin ito sa ulo ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Kaagad na namatay ang biktima at dalawang basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober sa crime scene.

Isang oras matapos barilin si Alejos, binaril din at pinatay ng mga salarin na nakamotorsiklo si Reggie Sison.

Tumutulong daw sa pag-aayos ng drainage system sa barangay Bonuan Gueset si Sison nang pagbabarilin din sa ulo ng mga nakatakas na salarin.

Base sa rekord ng pulisya, kapwa nasangkot sa iligal na droga ang mga biktima at dati nang sumuko si Sison.

Hindi inaalis ng pulisya ang posibilidad na iisa lang ang mga salarin sa magkasunod na krimen na patuloy nilang iniimbestigahan. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs