HUDCC, nagbabala sa publiko vs pekeng 'Libreng Pabahay' program
Nagbabala sa publiko ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) laban sa kumakalat na pekeng “libreng pabahay” program ng pamahalaan.
Sa isang pahayag nitong Martes, binanggit ng HUDCC ang insidente noong July 29 nang dumagsa umano ang mga tao sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Quezon City at nagtatanong tungkol sa nabalitaan umano nilang libreng pabahay program na ipinatutupad daw sa "first-come, first-serve basis."
Sakabila umano ng ginawang paglilinaw ng NHA nang araw na iyon, patuloy na may mga nagtutungo sa tanggapan para magtanong tungkol sa sinasabing programa.
Giit ng HUDCC, nagbibigay lamang ng subsidiya ang ahensiya para sa mga programang pabahay para sa mga mahihirap pero hindi ito "libre."
"Dole-out programs have been found to be counterproductive to the social development and economic empowerment of the homeless and underprivileged members of society," ayon sa HUDCC.
Idinagdag ng HUDCC na mayroon ding kumakalat na text message tungkol sa umano'y libreng pabahay naman sa ilalim ng tanggapan ng "housing czar" ni Vice President Leni Robredo.
"Dirty tricks are being played and false rumors are being spread to confuse the public and this may not be the last," saad ng HUDCC sa pahayag.
Hinikayat ng ahensiya ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga ipinakakalat na maling impormasyon.
Idinagdag pa na ang mga anunsyo tungkol sa programang pabahay ay magmumula lamang sa mga kinauukulang ahensiya tulad ng sumusunod:
- local government officials;
- Key Shelter Agencies (KSAs) such as HUDCC and NHA;
- Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB);
- Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG);
- Social Housing Finance Corp. (SHFC);
- Home Guaranty Corp. (HGC),
- and National Home Mortgage Finance Corp. (NHMFC).
Nanawagan ang HUDCC na ipagbigay-alam sa kanila ang mga detalye kung may malalaman silang nagpapakalat ng mali o pekeng impormasyon tungkol sa mga programang pabahay sa pamamagitan ng pag-email sa "eag@hudcc.gov.ph" o tumawag sa 0917-579-2037. — FRJ, GMA News