Sen. JV Ejercito, sinuspindi ng Sandiganbayan
Sinuspindi ng Sandiganbayan sa loob ng 90 araw si Senador Joseph Victor Ejercito kaugnay ng kinakaharap na kasong katiwalian tungkol sa umano'y maanomalyang kontrata sa pagbili ng mga armas noong 2008.
Sa anim na pahinang resolusyon na inilabas nitong Martes ng Fifth Division, kasamang pinasusupindi sina city administrator Ranulfo Dacalos, city legal officer Romualdo Delos Santos, at City Documentation and Compliance Office special assistant Lorenza Ching.
Nag-ugat ang kaso sa pagbili ni Ejercito noong 2008 habang alkalde pa ng San Juan City ng mga matataas na kalibre ng baril gamit ang calamity fund kahit hindi umano nakapailalim sa state of calamity ang lungsod.
Sa isang pahayag, ikinalungkot ni Ejercito ang desisyon ng Sandiganbayan pero nanindigan siya sa kaniyang naging desisyon sa pagbili ng mga armas na nagkakahalaga ng P2.1 milyon.
Sinabi ng senador na malala ang problema sa kriminalidad sa lungsod nang panahon iyon kaya kinailangan niyang bumili ng armas para sa mga pulis.
“Our police force needed more than moral support as it urgently needed firepower against criminals who virtually held the city under siege. Thus, I approved the purchase of additional firearms for our police force and to protect the lives and property of my constituents,” paliwanag ng senador.
“I do not regret such decision as it was my bounden duty and responsibility to protect the well-being of the city residents,” dagdag niya. -- FRJ, GMA News