ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
ATM CARD NG MGA BIKTIMA, GINAMIT

Hinihinalang serial killer na pinagnanakawan ang mga biktima, hinahanap


Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na pinaniniwalaang nasa likod ng serye ng pagpatay at pagnanakaw sa Lipa, Batangas. Ang suspek, posibleng may kinalaman din sa nawawalang 23-anyos na cadet engineer na si Kevin Diño.

Sa exclusive report ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, muling ipinakita ang surveillance video sa isang bangko sa Makati nang mag-withdraw ng pera sa ATM machine ang misteryosong lalaki na gamit ang ATM card ni Diño.

Ang naturang kuha sa lalaki ay nangyari noong Oktubre 2015, ilang araw matapos mawala si Dino, na huling nakitang buhay nang umalis sa pinapasukang trabaho sa Pasig City.

BASAHIN: Sino ang lalaking gumamit ng ATM card ng 23-anyos na lalaki na 8 buwan nang nawawala?

Pero hindi malinaw ang kuha at anggulo ng naturang misteryosong lalaki.

Nitong nakaraang Marso 14, nakuhanan ng mas malinaw na surveillance video ang parehong lalaki sa isang ATM machine naman sa Quezon City.

Ang gamit naman na ATM card ng lalaki, pagmamay-ari ni Ariel Rosales ng Lipa City, Batangas, na natagpuang patay sa nabanggit na lugar noong Marso 13.

Nakagapos si Rosales nang matagpuan at pinalo ng matigas na bagay sa ulo.

Ayon sa pulisya, may iba pang kaso na katulad nang nangyari kay Rosales na naitala sa Lipa mula Pebrero hanggang Abril ngayong taon.

Pawang lalaki umano ang biktima--pinagnakawan at pinatay sa pagpalo ng matigas na bagay.

Nitong nagdaang Pebrero 25, natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Henry Ramirez.

Nawawala ang kaniyang wallet, alahas at laptop.

Makalipas ng dalawang araw, Pebrero 27,  nakita naman ang bangkay ng guro na si Xyruz Bonifacio, na nawawala naman ang wallet at cellphone.

Noong Abril 22, nakita naman ang bangkay ni Mark Quizon sa Silang, Cavite.

Bagaman sa Cavite nakita ang bangkay ni Quizon, naninirahan siya sa Lipa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na ginamit din ang ATM card ng biktima para makakuha ng pera.

Sa ngayon, hinahanap ang principal ng isang paaralan sa Lipa na si Florante Makalintal, na halos isang buwan nang nawawala.

Nangangamba ang mga kaanak ni Makalintal na baka may masama nangyari sa kaniya.

Nanawagan ang isang kaanak ng isa sa mga biktima kay PNP Chief Ronald Dela Rosa na tulungan silang mahuli ang misteryosong lalaki.

Ayon sa ulat, tumanggi munang humarap sa camera ang pulisya ng Lipa at patuloy daw ang imbestigasyon nila sa serye ng pagpatay.

Gayunman, kulang pa raw ang ebidensya nila sa mga kaso nina Ramirez at Bonifacio.

May suspek na umano ang pulisya pero pinoporseso pa raw ang warrant para madakip ito. -- FRJ, GMA News