DOLE nagbabala sa 'di magbabayad ng P12 dagdag-sahod
Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Lunes sa mga employer sa Metro Manila na may kaparusahang naghihintay sa kanila kung hindi magbabayad ng umentong P12 sa arawang sahod ng mga manggagawa. Ayon kay Labor Secretary Arturo Brion, may mga hakbang na silang inihanda upang masiguro na susunod ang mga employer sa Metro Manila hindi lamang sa bagong alituntunin hundi sa iba pang utos ng departamento. âDOLE inspectors in NCR would immediately make a round of visits in establishments in Metro Manila upon the effectivity of NCR Wage Order No. 13," ayon kay Brion sa isang pahayag sa DOLE website. Iniulat ng dzRH radio nitong Lunes na pinaalalahanan ni Brion ang mga employer na magbayad ng P362 imbes na P350 kada araw sa kanilang manggagawa simula Agosto 28. Maaari ding isumbong ng mga empleyado sa DOLE ang mga employer na hindi tumutupad sa patakaran sa pasahod. Sinabi ng kalihim na kadalasang laganap ang hindi pagbabayad ng mga employer sa dagdag-pasahod sa mga unang buwan mula ng isabatas ang bagong alituntunin subalit sumusunod na rin ang mga ito pagkatapos ng ilang buwan. Subalit sa kasong ito, hindi magdadalawang-isip si Brion na maghain ng writ of execution laban sa mga kumpanyang lalabag sa batas. Sinabi pa niya na mula pa noong nakaraang buwan nang magsimula ang implementasyon ng Labor Standards Enforcement Framework (LSEF)-Inspection Blitz project ng DOLE. Sa ilalim ng proyekto, maaaring tingnan ng mga DOLE inspectors, kabilang na ang mga nagsasagawa ng technical safety inspection, ng pagsisiyasat sa mga establisyamento kung sumusunod sa tamang alintuntunin at patakaran sa paggawa. Walang paalam na magtutungo ang mga DOLE inspector sa isang lugar at palipat-lipat ang mga ito para masigurong maraming masisiyasat na kumpanya. Nauna nang kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. 13 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Kamaynilaan. Ayon kay NWPC officer-in-charge Esther Guirao, tiningnan na ng NWPC ang probisyon ng Wage Order No. 13, at ilalathala na ito sa mga pahayagan. Ang Wage Order No.13 ay nagbibigay ng karagdagang P12 sa P50 cost of living allowance na natatanggap ng mga manggagawa sa isang araw. Lahat ng minimum wage earners maging sa pribadong sektor, anuman ang kanilang katungkulan, ay tatanggap ng dagdag-sahod. Subalit hindi saklaw ng utos ang mga household o domestic helpers o iyong mga nasa âpersonal sevice" gaya ng family drivers, at mga nagtatrabaho sa barangay Micro Business Enterprises. Ayon kay Regional Board Director Raymundo G. Agravante, kabilang sa mga exempted sa Wage Order ay ang mga âdistressed establishment," retail at service establishment na may hindi lalagpas sa 10 manggagawa. kasama rin sa exemption ang mga kumpanyang hindi hihigit sa P3 milyon ang total assets at maaaring malugi, maging mga kumpanyang apektado ng kalamidad. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV