ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 300 stranded OFWs, hindi makauuwi dahil sa utang  


Hindi pa makauuwi sa Pilipinas ang mahigit 300 OFWs na nawalan ng trabaho sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) dahil baon sila sa utang sa isang lending company sa Jeddah.
 
Laking gulat umano ng mga apektadong OFW na matapos maisaayos ang kanilang mga dokumento para makauwi, hinarang ang kanilang mga exit visa.
 
Sa panayam ng GMA News Online, sinabi ng apektadong OFWs na hindi nila alam na may utang pala sila na hindi pa nababayaran, pero ang pagkakaalam nila bayad na sila.  
 
Kwento ng ilan sa mga umano'y mga biktima, ilang mga kapwa Filipino rin daw ang nag-alok sa kanila ng pautang, ilang taon na ang nakalilipas. 
 
Naka-loan umano sila ng 3,000 Saudi Riyal (o mahigit P30,000) at babayaran sa loob ng anim na buwan sa maliit na halaga ng tubo. Marami umano ang umutang dahil sa magandang alok.
 
Pinapirma umano sila ng isang dokumento na nakasulat sa wikang Arabic, at ang sabi sa kanila ng mga ahenteng Filipino, iyon ay isang kontrata bilang katibayan ng kanilang utang, kaya sila pumirma.
 
Ngyon lamang umano nila nalaman na ang pinirmahan pala nila ay kontrata para sa 10,000 SAR (o mahigit P100,000) na utang at hindi para sa 3,000 SAR. 
 
Kabilang umano ang mga tubo na naipon na, aabot na sa 17,000 SAR (kulang-kulang P200,000) ang balanse na hindi pa nila nababayaran. 
 
“Nakakuha kami ng 3,000 six month to pay at may 200 SAR na tubo ngayon nakatanggap kami ng 2,800 lang pero sa katunayan nyan ang sa akin 2013 pa ako nakatapos niyan within six months, pahayag ng OFW na si Darney Dupitas. 
 
Nagulat na lang ako nang mag-file ako ng exit visa at sinabing hindi ako mabigyan nito dahil nga sa utang sa probinsya ng Taif. Lumalabas na ang utang namin ay 17,000 SAR. Na-deduct sa akin at natira ay 12,000 SAR kaya nga wala kami pambayad niyan,” dagdag niya. 
 
Isang biktima naman ang nagsabing 14,000 SAR pa ang kanyang utang. 
 
“Nakapagbayad po ako ng 3,000 SAR tapos ang nakalista sa akin ay 17,000 SAR I le less po ang 3, 000 kaya may babayaran pa akong 14,000 SAR. Ang sabi nung ahente na babae ay aayusin daw ang problema pero hanggang ngayon po ay wala pa ring nangyari,” dagdag ng OFW na ayaw magpabanggit ng pangalan. 
 
Kinumpirma ng hepe ng Assistance to National ng Philippine Consulate sa Jeddah na si Vice Consul Alex Estomo ang problema ng ilang mga mangagawa ng Saudi Binladen Group.
 
Pinuntahan na raw nila ang lending company na nasa probinsya ng Taif (may dalawang oras ang layo sa Jeddah) at nakakuha sila ng listahan ng mga kabayan nating nagkautang sa kanila.
 
Lahat umano ng pangalan ng mga nagkautang ay ipinadala sa korte, kaya umano na-block ang kanilang application ng exit visa. 
 
“Ang salestalk ng dalawang Pilipina ay uutang lang sila ng 3,000 payable within six months. Ang pagkakamali lang po ng mga kababayan nating ito ay meron silang pinirmahang dokumento at ang problema ay hindi nila naintindihan kung ano yung nilalaman ng mga dokumentong ito ang lumalabas sa records ng lending company na ang kanilang principal amount na inutang ay 10,000 Riyals," pahayag ni Estomo
 
Aniya, sinubukan na raw nila ang makakaya, pero ang tanging solusyon lamang daw para makauwi ang ating mga kababayan ay ang mabayaran ang kanilang mga pagkakautang .
 
Nanawagan naman si Dupitas sa kapwa mga Filipinong nanloko sa kanila: “Magpakita kayo, tulungan ninyo ang mga taong biniktima ninyo. Huwag namang magtago."
 
Kabilang ang mga nabanggit na OFWs sa halos 11,000 mga Filipinong nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia dahil sa krisis sa ekonmiya doon. — LBG, GMA News