Guro, patay sa saksak ng kaniyang estudyante sa loob ng paaralan
Nagwakas ang buhay ng isang guro sa kamay ng kaniyang menor de edad na estudyante matapos siyang saksakin sa loob ng kanilang paaralan sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing sinita umano ng gurong si Vilma Cabactulan ang kanyang Grade 9 student dahil sa paglalaro daw sa cellphone.
Sinabihan din umano ng biktima ang estudyante na huwag nang liliban sa kaniyang klase.
Ikinagalit daw ng estudyante ang mga sinabi ng guro at sinaksak niya ang kaniyang class adviser nang tatlong beses.
Naisugod pa sa ospital si Cabactulan pero binawian din ng buhay.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang kutsilyo at cellphone.
Nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang suspek na estudyante.
Samantala, isinailalim naman sa stress debriefing ang mga estudyante na nakakita sa nangyaring pananaksak. -- FRJ, GMA News