Duterte, nagbilin sa mga sundalo na protektahan ang mamamayan
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang listahan ng mahigit 1,000 personalidad na sangkot umano sa iligal na droga na kinabibilangan ng ilang lokal na opisyal at pulis.
Kasabay nito, ipinaalala ng Punong Ehekutibo sa mga sundalo ang kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan, maliban sa pagtatanggol sa bansa.
"Ibigay ko ito sa Armed Forces. Ito ang problema natin... I'm just saying that the ultimate warriors of the Constitution, to protect the people is the Armed Forces of the Philippines. So bahala na kayo," saad sa talumpati ni Duterte nang bumisita sa Philippine Army's 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela nitong Sabado habang hawak ang folder na naglalaman ng "narco list."
Ayon kay Duterte, kasama sa listahan ang ilang gobernor, mambabatas, alkalde, punong barangay at pulis.
Noong Huwebes, sinabi ni Duterte na isasapubliko niya ang listahan ng mga opisyal sa gobyerno na sangkot sa iligal na droga.
Sinabi ni Duterte sa mga sundalong dumalo sa naturang pagtitipon na tagasuporta lang ang pulisya sa AFP pagdating sa pagtatanggol sa mga mamamayan at sa bansa.
"Inyo 'yan eh sa constitution, is to preserve... Inyong trabaho iyan, baka nakalimutan ninyo, inyo 'yan. To protect.. Do not allow the country to disintegrate," anang pangulo.
Tiniyak din muli ni Duterte na poprotektahan niya at aakuin ang responsibilidad sa mga sundalo at pulis na mahaharap sa problema sa pagsunod sa kaniyang direktiba.
"Sa panahon ko kung six years, wala kayong takot. Lahat nang gawin ninyo, sa utos ko, akin 'yan. Kayo magpakulong sabihin lang ninyo, 'Utos iyan ni Mayor Duterte, siya lang ang tanungin mo. Siya ang ikulong ninyo.' Walang problema, trabaho lang kayo," pagtiyak niya.
"Just do what is the mandate of the Constitution, at ako na ang bahala sa inyo. I will protect you," dagdag niya.
Sa kaniyang talumpati, nabanggit ni Duterte na kasama sa listahan sina retired police general at ngayo'y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot. Gayundin si Naguillan, La Union Mayor Reynaldo Flores, umano'y "high-value target."
Dati nang itinggi ni Loot ang mga alegasyon laban sa kaniya.
"Sa isang page mayor, assemblyman, mayor, vice mayor... Sa iba naman, barangays captains, puro barangay captain. Boni sultan, Lumati Maasin, municipal councilor... Governor, congressman, mayor, barangay captain, nasa gobyerno. How can I build a case na ganito sa karami. Sabihin ng human rights, 'You build a case.' Saan ako maghanap ng pulis na tayo you are preparing for war," ayon sa pangulo.
Hindi umano matiyak ni Duterte kung matatapos niya ang anim na taong termino bilang pangulo dahil sa tindi umano ng problema.
"I do not know if I will survive the six years or not.. Sa dami 'di kayang patayin lahat, baka ako pa ang patayin nito," aniya.
Kaya bilin niya sa mga sundalo na nasa pagtitipon, "Kaya sabi ko if it would outlast me, mawala ako nang bigla, hingin ko lang sa inyo to see to it that this country will not take a spin, kasi ito the whole of the Philippines ang tinamaan."
Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na hindi pa natatanggap ng liderato ng militar ang narco list.
Idinagdag ng opisyal na patuloy na susuportahan ng AFP ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga na pinapangunahan ngayon ng kapulisan. -- FRJ, GMA News