Garduce inakyat ang pinakamataas na bundok sa Europa
Upang patunayan muli ang katatagan ng Pinoy, matagumpay na inakyat ni Mount Everest summiteer Romeo Garduce ang pinakamataas na bundok sa Europa, ang Mount Elbron ng Russia. Iniulat ng GMA News' Balitanghali nitong Miyerkules na naabot ni Garduce ang 18,510-feet na bundok sa Russia noong Agosto 25. Nauna nang sinubok ni Garduce na akyatin ang Mt. Elbron subalit umurong ito sa taas na 5,400 feet matapos ang malalang panahon. Ang tuktok ng Mount Elbron ay matatagpuan sa Caucasus mountains sa Russia kung saan ang kanlurang bahagi nito ang sinasabing pinakamataas na bundok sa buong Europa. Si Garduce ang ikatlong Filipino na nakaakyat sa pinakamataas na bundok sa buong mundo, ang Mount Everest sa Himalayas, noong May 19, 2006. Kasama niya sa karangalang maakyat ang 29,035-feet na bundok sina Heracleo Oracion at Erwin Emata. Si Oracion ang kauna-unahang Filipino na nakaakyat sa bundok noong Mayo 17, na sinundan naman ni Emata nang sumunod na araw. Ang summit ng Mt Elbron ang ikaapat nang bundok na naabot ni Garduce matapos ang Mt Aconcagua sa Argentina, pinakamataas na peak sa South America; Uhuru Peak ng Mt Kilimanjaro, ang pinakamataas na summit sa Africa; at Mt. Cho-Uyo sa Nepal, ang ikalimang pinakamataas na bundok sa buong mundo. Si Garduce noon ang tanging Filipino na nakaakyat sa pinakamataas na summit matapos marating ang tuktok ng 26,906-feet Mt Cho-Oyu, o ang "Turquoise Goddess," bago ang pag-akyat nina Emata at Oracion sa Himalayas. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV