Brgy chairman, pinatay, pinagnakawan at iniwan ang bangkay sa kanal
Natagpuan na wala nang buhay sa San Mateo, Rizal ang isang punong barangay sa Maynila. Ang biktima, pinaniniwalaang pinatay sa sakal at sinagasaan pa.
Sa ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Miyerkules, sinabing may dalang P300.000.00 na pagpasahod sa mga tauhan ang biktimang si Reynaldo Jacaban, chairman sa isang barangay sa Paco, Maynila.
Nawawala umano ang naturang pera at ang sasakyan ng biktima nang makita ang bangkay nito sa isang kanal sa barangay Guitnang-Bayan sa San Mateo.
May nakitang electrical wire na nakatali sa leeg ng biktima, basag ang ulo at may marka ng gulong sa katawan na indikasyon na sinagasaan siya.
Sa tulong ng mga ebidensiya na nakita sa crime scene gaya ng resibo, at sa kuha ng CCTV sa isang convenient store, natukoy at nadakip sa Alfonso, Cavite ang dalawang suspek-- kabilang ang isang menor de edad.
Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang suspek. -- FRJ, GMA News