ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina ng nawawalang dating karelasyon ni Q.C. Councilor Hero Bautista, humingi ng tulong


Mahigit isang linggo nang nawawala ang dating live-in partner ni Quezon City Councilor Hero Baustista na si Rio April Santos. Ang ina ni Santos, humingi ng tulong sa pulisya at kay QC Mayor Herbert Bautista para makita ang anak.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabing nagtungo si Gng. Emiliana Santos, sa tanggapan ni Q.C. Police District Director Guillermo Lorenzo Eleazar, upang magpatulong sa nawawala niyang anak na huli raw niyang nakita noong gabi ng September 12.

Kuwento ni Gng. Santos, nagpaalam lang sa kaniya ang anak na si Rio na lalabas mula sa kanilang condominium unit sa Eastwood para bumili ng tubig at may katatagpuin na isa umanong "major."

Pero mula noon ay hindi na umano nakabalik si Rio at hindi na rin makontak ang cellphone nito.

Nawawala rin daw ang kotse nito na Mercedez Benz.

Ayon kay Eleazar, aalamin nila kung sino ang posibleng "major" na nabanggit ng ina ni Rio.

Maghahanap din ang mga awtoridad ng CCTV sa lugar na huling nakita si Rio para malaman kung may nahagip na tao na kausap nito nang gabing mawala.

Gayunman, inihayag ng opisyal ng QCPD na matagal na umano nilang natutunugan ang pangalan ni Rio April na gumagamit ng iligal na droga.

Matatandaan na naka-leave sa pagiging konsehal ng lungsod si Hero para magpa-rehab matapos lumabas sa drug test na positibo ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Gng. Santos, matagal nang hiwalay sina Hero at Rio pero nananatiling maayos ang relasyon ng dalawa dahil na rin sa mayroon silang isang anak.

Nanawagan din si Gng. Santos sa kapatid ni Hero na si Mayor Herbert na tulungan silang hanapin ang kaniyang anak.

Sa isang pahayag na inilabas ni Mayor Herbert, hiniling niya sa pamunuan ng QCPD na imbestigahang mabuti ang pagkawala ni Rio. -- FRJ, GMA News