Bading, sinaksak sa noo matapos paalisin ang 2 kaibigan na gumagamit daw ng shabu
Nagtamo ng sugat sa noo ang isang bading matapos na saksakin umano ng kaniyang kaibigan. Nag-ugat daw ang gulo nang magalit ang mga suspek nang paalisin niya sa ilalim ng tulay sa Pasay City matapos niyang mahuli na gumagamit ng iligal na droga.
Sa kabila ng kaniyang sinapit, nagawa pa ng biktimang si Deo Balbuena, alyas Diwata, na nagpakitang gilas sa pagrampa nang maghain ng reklamo sa tanggapan ng Pasay City Police Station.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, masaya umano si Balbuena dahil nakaligtas siya sa kapahamakan sakabila ng tinamong saksak sa mukha at kamay.
Ayon kay Balbuena, nagalit ang mga kaibigan niyang sina Eduardo Montel at Danilo Lucas, nang paalisin niya ang mga ito sa ilalim ng tulay sa Diokno Blvd. sa Pasay City nitong Huwebes ng gabi, matapos niyang mahuling gumagamit umano ng iligal na droga.
"Nahuli ko silang nagpa-pot session sa ilalim ng tulay kung saan ako nakatira. Ayoko naman sa panahon ngayon nakakatakot, sinabihan ko sila maghiwalay muna tayo kaysa madamay pa ako," kuwento ng biktima.
Nagalit daw ang dalawang kaibigan hanggang sa masaksak na ng cutter si Balbuena sa gilid ng noo na gawa umano ni Montel.
Nakatakbo pa raw ang dalawa suspek pero inabutan nina Balbuena sa isang convenience store at nagpatulong sila sa guwardiya kaya nadakip.
Itinanggi naman ng dalawa ang paratang na gumagamit sila ng droga pero inamin nilang galit sila kay Balbuena dahil sa pagpapaalis sa kanila sa ilalim ng tulay.
Mahaharap sa reklamong attempted homicide si Montel habang illegal possession of bladed weapon naman ang kakaharapin ni Lucas. -- FRJ, GMA News