Filtered By: Topstories
News

Senado handang imbestigahan ang ‘Wowowee'


Handang imbestigahan ng Senado ang diumano'y dayaan sa game show ng ABS-CBN na “Wowowee" ngunit dapende ito sa ibibigay na ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), ayon kay Sen. Mar Roxas. “We will look into this by first asking the DTI what are the complaints, who are the complainants, and what it has done and intends to do about this matter," pahayag ni Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce, nitong Huwebes. Ayon kay Roxas, mahalagang malaman muna nila ang mga detalye tungkol sa alegasyon ng dayaan bago magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang batas na maaaring magawa upang bigyan ng mas malawak na proteksyon ang mamimili. “Based on this information, we shall file an appropriate resolution for a Senate inquiry with the end-goal of strengthening our consumer welfare code," paliwanag ng senador. Una rito, sinabi ni Joey de Leon, isa sa mga hosts ng “Eat Bulaga," na dapat unahin ng Senado ang isyu ng “Hello Pappy" kaysa sa “Hello Garci." "Inuuna n'yo 'yang 'Hello Garci.' Bakit hindi n'yo muna unahin itong 'Hello Pappy,'" hirit ni de Leon tungkol sa sinasabing naging dayaan noong Agosto 20 sa "Wowowee" game show na pinangungunahan ng komedyanteng si Willie Revillame. Ang pahayag ni de Leon ay sagot sa mga sinabi ni Revillame nitong Miyerkules bunga ng kontrobersya sa segment ng “Wowowee" na umano'y nagkaroon ng “iregularidad." Ang sinasabing “iregularidad" sa segment na “Wilyunaryo" ng “Wowowee" ay mapapanood sa YouTube sa Internet. Dito ipinakita na “0" sa halip na “2" ang lumabas nang hatakin ni Revillame ang likurang bahagi ng bilog na dapat kinalalagyan ng jackpot price na P2 milyon. Kabilang sa mga komento sa YouTube ang katanungan kung bakit hawak ni Revillame ang tila “film" na may nakasulat na “2." Sa episode ng “Wowowee" nitong Miyerkules, itinanggi ni Revillame na nandaya siya at kinastigo si de Leon sa mga patutsada umano nito sa kanya. Lumuluhang sinabi ni Revillame na pine-personal na siya ni de Leon, na isa ring komedyante, at kung rating lamang daw ang habol nito ay hindi na siya lalaban pa. Ngunit sagot ni de Leon kay Revillame; “Explain before you complain." Idinagdag pa ni de Leon na obligasyon ng lahat ng host na magpaliwanag sa mga tao kapag may katanungan o duda sa kanilang mga programa. Hindi naman pinalampas ni Revillame ang sagot ni de Leon nitong Huwebes. “Hindi ko kailangan ang Senado. Kailangan ko mga totoong tao. Ang taong bayan ang kailangan ko." - Fidel Jimenez, GMANews.TV Ang GMANews.TV ay official website ng GMA7 Network kung saan napapanood ang “Eat Bulaga."