Spa na mayroon daw prostitusyon, sinalakay; 11 babaeng masahista, nasagip
Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang massage parlor sa Cebu City na ginagawa umanong pugad ng prostitusyon.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Cebu sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing 11 babae ang na-rescue ng NBI sa sinalakay na massage parlor.
Ayon sa mga awtoridad, hindi raw binabayaran ng pamunuan ng spa ang mga masahistra kapag nabigo na makapag-alok ng tinatawag na "extra service."
"Mag-a-aaply ka bilang taga-massage pero wala kang sahod, wala akong komisyon. Ikaw na ang magsusumikap para magkapera," ayon sa isang nasagip na masahista.
Dahil sa report na natanggap ng NBI, nagsagawa sila ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakahuli ng manager ng spa at ng may-ari nito.
Tumanggi ang mga naaresto na magbigay ng pahayag at ang abogado na raw nila ang sasagot sa kanilang kaso.
Nakita naman ng NBI na may exploitation o pananamantala ang ginawa umano ng pamunuan ng spa sa mga babae. -- FRJ, GMA News