NAHULI-CAM: Pulis, binaril at napatay ng lalaki na kaniyang sinita
Nahuli sa closed-circuit-television camera ang pagbaril ng isang lalaki sa sumita sa kaniyang pulis na nagpapatrolya sa Caloocan City. Ang nakatakas na salarin, hinihinalang sangkot sa iligal na droga.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng barangay 120 sa Caloocan city habang nagpapatrolya sa 3rd Avenue ang nakamotorsiklong si PO2 Rancel Cruz ng Police Community Precinct 2 dakong 1:00 a.m.
Isang lalaki na naglalakad sa gilid ng kalsada ang nilapitan at kinausap ni Cruz.
Hindi nagtagal, habang nakayuko si Cruz na tila may binabasa habang nakaupo sa kaniyang motorsiklo, bumunot ng baril ang salarin at pinaputukan sa ulo ang pulis at saka ito tumakbo palayo.
Duguang nakatumba sa kalsada si Cruz nang abutan ng kaniyang mga kasamang pulis.
Ayon kay PO3 Jayson Tan, nagpapatrolya si Cruz, 36-anyos, nang mangyari ang krimen at hindi nila alam kung bakit nilapitan ni Cruz ang salarin.
Pero hinala ni Tan, posibleng drug personality ang salarin dahil talamak ang naturang lugar sa droga.
Sa follow-up operation, pinuntahan ng mga pulis ang isang bahay na pinaniniwalang tinitirhan ng salarin sa barangay pero hindi nila nakita ang lalaki.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga pulis sa salarin.
"Mabait na tao 'yan, laging pumapasok, pamilyadong tao," ayon kay Tan tunkol kay Cruz. -- FRJ, GMA News