Cave paintings na nakita sa isla ng Ticao sa Masbate, susuriin
Pag-aaralan ng mga eksperto ng National Museum at National Commission for Culture and the Arts ang mga nadiskubreng cave arts o cave paintings sa isla ng Ticao sa Masbate.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing ang mga kakaibang drawing ay natagpuan ng mga tauhan ng tourism office ng bayan ng Monreal sa mga kweba ng Ednagen at Camilo.
Kabilang sa mga larawang nakapinta sa mga bato sa kweba ay hugis ng unggoy, mukha ng tao, uod o ahas, tutubi, ibon at iba pa.
Tinatayang nasa libong taon na umano ang tanda ng mga naturang guhit.
May mga bato rin na natagpuan sa kweba na tila iukit.
Ayon sa mga eksperto, hindi dapat magalaw at kailangang mapreserba nang mabuti ang mga larawan pati ang mga kweba.
Kaya naman todo-bantay ngayon ang lokal na pamahalaan ng Monreal sa mga nabanggit na kweba. -- FRJ, GMA News