ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dutch embassy sa Pilipinas ‘di aatakihin – mga grupo


Nangako ang ilang militanteng grupo na walang pang-aatakeng mangyayari laban sa mga Dutch sa Pilipinas, pero tuloy pa rin ang balak ng mga ito na i-boycott ang mga produkto mula sa Netherlands. Ayon sa pahayag ng naturang mga grupo, ang pagkilos ay bilang protesta sa paghuli at pagkulong ng Netherlands police kay Jose Maria Sison (“Joma"), tagapagtatag at pangulo ng Communist Party of the Philippines. Ayon kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, dating spokesman ng National Democratic Front (NDF), hindi aatakihin ng New People’s Army (NPA) ang mga Dutch at diplomatic officials dito sa Pilipinas kahit na ipinahuli ng Dutch government si Joma noong ika-28 ng Agusto. “Walang intensiyon ang NPA na atakihin ang anumang embassy o diplomatic person. Kasi bilang rebolusyonaryong hukbo, iginagalang nito ang International Laws of War at International Humanitarian Law na nagbabawal niyan," ani Ocampo. Pero hinimok ng mga party-list group Anakpawis at Gabriela ang mga mamamayan na i-boycott ang mga produkto ng mula Holland na ibenebenta sa Pilipinas. "Besides the fact that the Dutch conducted the brutal raid against the NDF and manipulated to have Prof. Sison arrested, the rapacious greed of Dutch businesses in the Philippines is basis for a burgeoning call for a boycott of Dutch products," ayon kay Anakpawis Rep. Crispin Beltran in a statement. Ayon sa Gabriela, “There's always... oil and gasoline. Plus all the chocolates and cheese made in Holland, including queso de bola." Pinaigting naman ng mga pulis ang seguridad sa paligid ng Dutch Embassy sa Makati laban sa posibleng pang-aatake ng mga rebelde. Ayon sa ulat ng GMA QTV-11, maraming mga pulis na nakasibilyan ang nakapaikot ngayon malapit sa embahada. Dagdag pa ng report, nagtatag na rin umano ang mga pulis ng checkpoints malapit sa embahada para masagkaan ang “lightning rallies" at mga martsa-protesta. Samantala, sinabi ng Southern Police District na wala silang natanggap na ulat ukol sa anumang banta laban sa embahada o kaya’y mga napipintong kilos-protesta. Noong Huwebes, nagkasagupa ang mga pulis at mga tagasuporta ni Joma, na nagtangkang mag martsa patungong Dutch Embassy. - GMANews.TV