ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dureza sa mga sundalo; hinay-hinay muna sa Ramadan


Kung hindi maaaring pagbigyan ang tigil-putukan, hinikayat ng isang lider sa Mindanao ang mga sundalong tumutugis sa bandidong Abu Sayyaf group (ASG) na magpakita ng “sensitivity" sa mga Muslims ngayon Ramadan. Sinabi nitong Linggo ni Presidential peace process adviser Jesus Dureza na maraming sektor ang pabor na magkaroon muna ng tigil-putukan sa Mindanao sa panahon ng “holy month" ng Ramadan sa mga Muslim simula Setyembre 13. “Ang ating military security forces will have great sensitivity during this time towards our Muslim brothers and sisters," ayon kay Dureza sa panayam ng radio dzXL. Hindi naman nya ipinaliwanag kung papano ipapakita ng sundalo ang sensitivity sa Muslim sa panahon ng Ramadan. Patuloy pa rin ang operasyon ng militar para tugisin ang mga ASG sa Basilan at Jolo. Ang ASG ang itinuturong namugot sa ulo ng mga sundalo noong July 10. Sinabi naman ni Dureza na walang problema sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil pumayag ang mga ito na alisin ang kanilang puwersa sa mga lugar kung saan nagsasagawa ng operasyon ang AFP upang maiwasan ang labanan. Samantala, ilan lokal na opisyal sa Basilan ang nakatanggap umano ng banta na dudukutin ng ASG, ayon kay Basilan Vice Governor Al-Rasheed Sakalahul. Target umano ng ASG na gumanti sa mga pinuno ng lalawigan na pinaniniwalaan nilang nakikipagtulungan sa militar. Naghihinala umano ang mga bandido na ang mayroon mga alkalde, municipal councilors at mga provincial officials ang nagbibigay ng impormasyon sa militar. Pinayuhan ni Sakalahul, dati rin sundalo, ang mga lokal na pinuno sa lalawigan at maging ang mga negosyante at media na mag-ingat upang hindi makuha ng ASG. Naniniwala sina Sakalahul at Lantawan Mayor Tahira Ismael na nakaalis na sa bayan ng Sumisip ang mga ASG para makaiwas sa pagtugis ng militar. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: asg, ramadan