Albuera Mayor Espinosa, napatay ng mga pulis sa loob ng kulungan
Patay na ang kontrobersiyal na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na inuugnay sa droga matapos na manlaban umano sa mga pulis na magsisilbi ng search warrant sa loob ng Baybay City Provincial Jail nitong Sabado ng umaga.
Kasamang napatay sa loob ng kulungan ang drug suspect na si Raul Yap.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Regional Director Elmer Beltejar, isisilbi ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Region 8), ang search warrant laban sa dalawa nang paputukan umano nila ang mga awtoridad.
Napilitan umanong gumanti ng putok ang mga awtoridad na dahilan ng pagkakapatay sa dalawa.
Ang isisilbing search warrant umano para kay Espinosa ay may kaugnayan sa mga armas at bala.
Nakakulong ang alkalde dahil sa kinakaharap na reklamo tungkol sa iligal na droga at mga armas.
Samantala, tungkol naman sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang search warrant para kay Yap.
Ang naturang mga search warrant ay inilabas umano ni Judge Tarcelo Sabarre Jr. ng Regional Trial Court Branch 30 ng Basey, Samar.
Ayon kay Beltejar, pinangunahan ni Police Chief Inspector Leo Laraga ang mga operatiba ng CIDG Region 8 na nagtungo sa Baybay City Sub-Provincial Jail sa Brgy. Hipusngo dakong 4:10 a.m. nitong Sabado na magsisilbi ang mga search warrant.
"It was a warrant application. It was purely CIDG. Walang coordination with PNP Region 8," paliwanag ni Beltejar sa GMA News Online.
Matapos ang umano'y engkwentro, nakakuha ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa selda ni Espinosa ng isang Super Caliber .38 pistol, magazine ng may mga bala, sachet na hinihinalang may shabu at mga drug paraphernalia.
Isang 45-caliber pistol, magazine na may bala, ilang sachet na hinihinalang may shabu, marijuana at mga drug paraphernalia ang nakita naman umano sa selda ni Yap.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos na bilang bahagi ng proseso ay magsasagawa ng imbestigasyon ang kapulisan sa nangyaring barilan.
"RD PRO8 CSupt Beltejar has constituted a panel that will look into the incident. Also, Regional Internal Affairs Service 8 (RIAS8) will conduct its own investigation," ani Carlos.
Sinabi naman ni Beltajar sa panayam ng Super Radyo dzBB, na inatasan din niya ang Regional Internal Affairs Service ng Region 8 na magsagawa ng imbestigasyon para alamin kung nasunod ang operational procedures sa nangyaring insidente.
"Yun yung aming SOP, hiwalay sa investigation ng PNP-CIDG. IAS yung pinako-conduct para huwag mapaghinalaang bias tayo kasi yun naman yung mandato ng IAS na magconduct ng motu propio investigation whenever 'yung mga police operations na ganyan ay may namamatay," paliwanag ng opisyal.
Sumuko at nakulong
Matatandaan na unang sumuko si Mayor Espinosa sa PNP noong Agosto matapos mapabilang ang kaniyang pangalan sa umano'y mga lokal na opisyal na sangkot sa droga.
Noong Oktubre 5, inaresto siya at nakulong dahil sa kinaharap na kaso tungkol sa iligal na droga at mga armas.
Target din ng mga awtoridad ang anak ni Espinosa na Kerwin na sangkot din umano sa droga, na matapos ang ilang buwan na paghahanap ay naaresto sa Abu Dhabi noong nakaraang buwan.
Inaasahan na maibabalik sa bansa si Kerwin kapag natapos nang iproseso ang mga kaukulang dokumentasyon. -- FRJ, GMA News