Duterte, personal na tinanong si Leni Robredo tungkol sa kaniyang love life
Personal na inalam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang love life ni Vice President Leni Robredo habang magkasama sila sa Tacloban City nitong Martes.
Magkasamang dumalo sina Duterte at Robredo sa paggunita ng anibersaryo ng paghagupit ng Supertyphoon Yolanda sa Tacloban City.
Sa kaniyang talumpati, inihayag ni Duterte na hindi siya sa kontento sa naipagkakaloob ng tulong na pabahay sa mga naging biktima ng naturang kalamidad.
Sa gitna ng mga direktiba sa mga opisyal para mapabilis ang tulong sa mga biktima at reklamo niya laban sa katiwalian, nabanggit ni Duterte si Robredo na kasama niya bilang pinuno ng housing projects.
"Pupunta rin ako kasi nandito si Vice President eh. Kung saan siya, nagpasunod-sunod ako. Biyuda kasi. Totoo, annulled ako. Pero may anak ako. Basta masuportahan lang," anang pangulo tungkol sa gagawin niyang pagbalik sa Tacloban para alamin ang sitwasyon ng mga proyekto.
"Ma'am, balita ko, may boyfriend ka raw? Sabi nila," dagdag nitong tanong kay Robredo na natawa lang habang nasa entablado rin.
"Do not be offended. Iyong sabi nila? Hindi iyon totoo?," dugtong na tanong ng pangulo.
Ngumiti naman si Robredo at umiling sa kaniyang tugon.
"Kung totoo iyan ma'am may mapatay na congressman na bago... Para ma-biyuda ulit," biro pa ni Duterte.
Si Duterte hiwalay sa kaniyang asawa na si Elizabeth Zimmerman.
Mayroon silang tatlong anak na sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at Sebastian.
May isang anak naman si Duterte sa kaniyang common-law wife ngayon na si Honeylet Avanceña.
Samantala, nabiyuda naman si Robredo noong 2012 nang pumanaw dahil sa plane crash si dating Interior Secretary Jesse Robredo.
Mayroon silang tatlong anak na sina Tricia, Aika, at Jillian. — FRJ, GMA News