Mas malamig na Pasko, asahan daw ngayong taon
Kumpara noong 2015, asahan umano na mas magiging malamig ang Pasko ngayong taon, ayon sa ulat ni GMA resident meteorologist Isagani "Mang Tani" Cruz sa "24 Oras" nitong Huwebes.
Ito umano ay bunga ng mas malamig na Amihan ngayong taon, base sa pagsusuri ng PAGASA.
Dagdag ni Mang Tani, bukod sa wala na ang El Niño phenomenon, nakakatulong din paglakas ng Amihan ang pinaniniwalaang epekto naman ng La Niña.
Paliwanag niya, kapag may Amihan, malamig sa kanlurang bahagi ng bansa at maulan naman sa silangang bahagi.
Nagaganap daw ang kalakasan nito tuwing Pebrero at nagtatagal hanggang sa unang bahagi ng Marso.
Samantala, bukod sa lamig, makararanas umano ng mga pag-ulan sa bansa sa Biyernes.
Batay sa datos ng Metra Weather, maghapong may pag-asang ulanin ang extreme northern Luzon at Cagayan Valley.
Posibleng magkaroon din umano ng mga pag-ulan sa Biyernes ng hapon sa Quezon Province at ilang lugar sa Calabarzon.
Pero sa Metro Manila, mababa naman daw ang posibilidad ng pag-ulan.
Sa Visayas, may mahina hanggang katamtamang pag-ulan umano sa Samar provinces sa hapon, at gayundin sa Mindanao sa Northern Mindanao at sa Davao Region. -- FRJ, GMA News