ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Robin Padilla sa natanggap na absolute pardon: Hindi ko hiningi


Labis daw na nagulat si Robin Padilla nang bigyan siya ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Giit ng aktor, hindi niya ito hiningi kapalit sa pagsuporta noong panahon ng kampanya.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naluluha si Robin nang basahin niya ang dokumentong ibinigay sa kanya ni Duterte na nagsasaad ng kaniyang absolute pardon.

Kuwento ng aktor, nagtungo siya Palasyo nitong Martes ng gabi para makapanayam ang pangulo tungkol sa ilang hospital na ipapaayos nila.

Hindi raw alam ni Robin na may malaking surpresa na inihahanda para sa kaniya ang pangulo.

Ayon sa aktor, pinababasa sa kaniya ni Duterte ang ibinigay sa kaniyang absolute pardon pero hindi niya ginawa dahil maiiyak siya.

PAGKAKAKULONG

Kasikatan ni Robin noong 1994 nang hatulan siya ng korte na guilty sa kasong illegal possession of firearms dahil sa ilang baril at mga bala na nakuha sa kaniya sa Angeles City, Pampanga noong 1992.

Pinatawan ng korte si Robin na makulong ng 17 hanggang 21 taon sa New Bilibid Prison. Sa loob ng kulungan, nag-convert siya sa relehiyong Islam.

Habang nakakulong, naamyendahan ang batas na nagtatakda ng parusa para sa illegal possession of firearms. Ang parusa ay naibaba sa anim na taon hanggang 12 taon na lamang.

Matapos ang tatlong taong pagkakakulong, binigyan si Robin ng conditional pardon noong 1997 ng noo'y Pangulong Fidel Ramos.

Tuluyan siyang nakalaya noong Abril 1998.

Pero nakalaya man, hindi pa rin naibalik ng conditional pardon ang ilang karapatan ni Robin tulad ng malayang makapaglakbay sa labas ng bansa, makaboto at makahawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

KUMAMPANYA KAY DU30

Sa panahon ng kampanya para sa May 2016 presidential election, sinuportahan ni Robin ang kandidatura ni Duterte.

Nabatikos pa siya sa social media at tinawag na ex-convict na walang karapatang bumoto nang mag-post siya ng balota at naghayag na sana raw ay makaboto siya.

Kaya naman labis ang pasasalamat ni Robin sa absolute pardon na iginawad sa kanya ni Duterte dahil naibalik na ang kaniyang karapatan.

Gayunman, nilinaw ng aktor na hindi niya hiningi ang absolute pardon kay Duterte at maging sa mga nagdaang administrasyon.

Paliwanag niya, hindi niya alam na nag-apply ang kanyang manager na si Betchay Vidanes sa Board of Pardons and Parole para sa kanyang absolute pardon.

"Kung ano man ang kasalanan ko sa lipunan, binayaran ko 'yan ng tatlo't kalahating taon sa loob ng kulungan," ani Robin. "Kaya walang pwedeng magsabi na nanghingi ako ng pabor. At binayaran ko pa uli ng 23 years sa labas na yung isang paa ko nasa bilibid."

Dobleng kasiyahan ang nararamdaman ni Robin dahil halos nasabay ang absolute pardon sa pagsilang ni Mariel Rodriguez sa panganay nilang anak na si Isabella sa Amerika.

At ayon kay Robin, gusto niyang bumawi at makarating sa Amerika para maging hands on dad .

"Mag-apply ng [U.S.] visa 'yan ang una kong ano... napuno na kami ng pag-asa baka kasi ito [absolute pardon] makatulong sa pagpunta sa Amerika." -- FRJ, GMA News

Tags: robinpadilla