Ex-Pres. Marcos, inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani
Inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani nitong Biyernes ang bangkay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, 10 araw matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumokontra rito, at 23 taon makaraang maibalik sa Pilipinas ang kaniyang mga labi matapos siyang pumanaw sa Hawaii.
Mula sa himlayan sa Laoag, Ilocos Norte, inilipad ang mga labi ni Marcos nitong Biyernes bago magtanghali, at isinagawa na ang mga seremonya para sa paglilibing.
Kinumpirma ng Philippine National Police ang libing dakong 10:00 a.m.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief Dir. Oscar Albayalde, nitong Huwebes ng gabi nang ipaalam ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang desisyon ng pamilya sa araw ng paglilibing sa dating pangulo.
Hindi pinayagan ang mga mamamahayag sa loob ng libingan matapos hilingin umano ng pamilya na maging pribado ang libing.
Binigyan umano ng military honors si Marcos, kabilang ang 21-gun salute.
Sa kaniyang lapida, nakasulat ang: "Ferdinand E. Marcos 1917-1989 Filipino"
Kaagad na inalmahan at nagprotesta sa lansangan ang mga tutol sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Giit nila, hindi bayani si Marcos.
Kabilang si Vice President Leni Robredo sa mga bumatikos sa paglilibing kay Marcos sa LNMB.
"Ferdinand Marcos was a thief, a murderer, and a dictator," saad niya sa pahayag. "He is no hero. If he were, obviously his family would not have to hide his burial like a shameful criminal deed."
Sa panahon pa lang ng kampanya, inihayag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpabor niya na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Ronald "Bato" Dela Rosa, alam ni Duterte ang libing nitong Biyernes.
"Alam niya. Alam niya iyan. Hindi naman siya maba-blind. Wala naman tayong special attention dito," anang opisyal.
Nasa Peru ngayon si Duterte para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Napatalsik sa posisyon si Marcos noong 1986 dahil sa EDSA people power revolution at inilipad siya patungong Hawaii.
Pumanaw siya dahil sa mga karamdaman noong 1989, at pinayagan na maibalik sa bansa ang kaniyang mga labi noong 1993 matapos makipagkasundo kay noo'y Pangulong Fidel Ramos na dadalhin ang mga labi nito sa Ilocos.-- FRJ, GMA News