Inang OFW, iniwan umano ang sanggol na anak sa isang babae sa NAIA
Isang tatlong-buwang-gulang na sanggol ang inabandona umano ng kaniyang sariling ina sa kapwa-overseas Filipino worker (OFW) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA news "24 Oras" nitong Sabado, sinabing kinilala ang inang nag-iwan sa bata na si Vilma Lastima, 36-anyos, tubong Davao.
Ayon sa OFW na si Myrna Bonaobra, nakisuyo umano sa kaniya si Lastima na iiwan ang bata dakong 9:00 a.m.
Pero nagtaka ito na iniwan din umano ni Lastima ang travel documents ng sanggol, at nakita niya na isang Jordanian national ang ama nito.
Ayon sa NAIA Task Force on Anti-Human Trafficking Office, hindi na bumalik ang ina at walang kumuha sa sanggol, na kanilang ipinagkatiwala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tila litong-lito raw si Lastima nang sandaling iwan nito ang anak, ayon pa kay Bonaobra.
Sinabi ng DSWD-NCR, na nalaman nila sa NAIA na nagpasabi umano si Lastima sa mga kamag-anak na pauwi siya sa kanilang lugar sa Davao.
Makikipag-ugnayan umano ang DSWD sa kanilang regional office sa Davao para matukoy ang kinaroroonan ng ina.
Malusog at maayos naman umano ang kondisyon ng bata. -- FRJ, GMA News