Batang tinangay umano ng babaeng wala sa tamang pag-iisip, nakita na
Pagkaraan ng walong araw, natagpuan na ang tatlong-taong-gulang na batang babae na sinasabing dinukot ng babaeng wala raw sa tamang pag-iisip sa Pasay City.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kinupkop ni Mark Reyes ang batang si Rachel Andales, na nakita niyang namamalimos sa simbahan makaraang iwan ng babaeng tumangay sa kaniya.
Ayon kay Reyes, Linggo ng umaga nang makita niya ang bata na namamalimos na inakala niyang residente sa lugar.
Kaagad daw na ipinaalam ni Reyes sa mga madre sa simbahan ang tungkol sa bata at pinayuhan siyang dalhin ito sa Department of Social Welfare and Development.
Pero sa dami umano ng mga papeles, nagpasya siyang kupkopin muna niya ang bata hanggang sa lumabas na ang balita tungkol sa paghahanap dito.
Nobyembre 24 nang makunan ng CCTV ang bata na akay ng isang matandang babae habang papalayo sa kanilang lugar.
Ayon sa ina ng bata na isang bulag, naglalaro lang sa labas ng kanilang bahay ang anak hanggang sa hindi na ito nakauwi.
Nitong Miyerkules, nakita na ang matandang babae na nakunan sa CCTV na kasama ng bata.
Ayon sa mga kaanak ng babae, nawala ito sa tamang pag-iisip dahil sa problema sa pamilya.
Naikuwento naman niya sa mga awtoridad na iniwan si Rachel sa simbahan pero wala doon ang bata nang kanilang balikan.
Kaya naman labis ang pasasalamat ng mga magulang ni Rachel kay Reyes sa ginawa nitong pagkupkop sa kanilang anak.
At bagaman naibalik na si Rachel sa kanilang mga magulang, nais pa rin ng ina ng bata na managot sa batas ang babaeng tumangay sa kaniyang anak. -- FRJ, GMA News