ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

64-anyos na lola na umano'y drug pusher, huli sa buy-bust operation


Napaiyak na lang ang isang 64-anyos na lola matapos siyang mahulihan umano ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Lapu-Lapu City.

Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang umano'y level 2 drug pusher sa listahan ng pulisya na si Rosita Bragat.

Nakuha umano kay Bragat ng mga operatiba ng City Intelligence Branch ng Lapu-lapu City Police Office, ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P60,000.00.

Dati na rin umanong nasampahan ng kaso na may kaugnayan sa iligal na droga si Bragat pero nakapagpiyansa kaya nakalaya.

Bagaman mariing itinanggi ni Bragat na sangkot siya sa pagtutulak ng iligal na droga, idiniin naman siya ng isang lalaki na dati niyang kapitbahay at naaresto rin dahil sa kaso ng iligal na droga.

Nakakulong ang dalawa sa Lapu-lapu City Police Station at mahaharap sa reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act. -- FRJ, GMA News

Tags: illegaldrugs